Nagbigay pugay at sama samang sumaludo sa watawat ng bansa ang Philippine National Police (PNP) kasabay ng paggunita at selebrasyon ngayong araw ng National Flag Day.
Alas-8:00 kaninang umaga nang isinagawa ang isang simpleng seremonya sa PNP headquarters sa Camp Crame sa Quezon City kung saan nagtipon tipon ang mga pulis mula sa iba’t ibang units.
Kabilang sa programa ang pag-aalay ng dasal at panunumpa ng katapatan sa watawat ng Pilipinas.
Si PNP deputy chief for operations Lt. General Archie Gamboa, ang nagbasa sa mensahe ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde.
Ayon kay Albayalde, ang watawat ay sumisimbolo sa katatagan ng bansa at sa kalayaan na tinamasa natin ngayon.
Simbolo rin ito sa mga naging sakripisyo ng ating mga bayani na nagbuwis at inalay ang kanilang sariling buhay para sa kapakanan ng sambayanang Filipino.
Ang deklarasyon ng National Flag Day ay nakabase sa Republic Act 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Nasa 15 araw ang paggunita nito na magsisimula ngayon at tatagal hanggang sa Araw ng Kalayaan sa June 12.
Hinihikayat naman ang publiko na maglagay ng bandila sa mga paaralan, establisyemento, mga bahay, opisina at iba pa.