ILOILO CITY – Nagdagdag ng pwersa ang Philippine National Police (PNP) sa mga bayan na napasama sa election watchlist areas sa (EWAS) sa lalawigan ng lloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Captain Antonio Monreal, tagapagsalita ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), sinabi nito na maliban sa libo-libong mga pulis na itinalaga ng Police Regional Office (PRO) 6 ay nagdagdag pa sila ng higit sa 300 na police personnel.
Pangunahing problema umano sa nasabing lalawigan ay ang laganap na vote buying at pananakot ng mga armed goons.
Ayon kay Monreal, layon nito na maiwasan ang anumang karahasan partikular sa Northern Iloilo.
Napag-alaman na apat na mga bayan sa Northern Iloilo ang napasama sa EWAS na kinabibilangan ng Lemery, Sara, Estancia at Carles.
Ani Monreal, kaakibat din ng PNP ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapanatili ng matiwasay na halalan.