Nagdeploy ng mas maraming sasakyan ang Philippine National Police (PNP) para sa stranded na mga commuters dito sa kalakhang Maynila.
Epektibo kaninang alas 5:30 ng umaga, nagpalabas ng mas maraming sasakyan ang PNP para sa kanilang libreng sakay program.
Ito’y matapos atasan ni PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa ang Directorate for Police Community Relations (DPCR) at Police Community Affairs and Development Group (PCADG) na dagdagan ang kanilang mga sasakyang ginagamit sa programa para makatulong sa mga apektado ng kakulangan ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay Police Community Relations Director MGen. Dionardo Carlos, karagdagang 12 bus at troop carriers mula sa PNP Special Action Force (SAF), Logistic Support Service (LSS) ang pinagamit sa kanila para sa programa sa Metro Manila.
Nagpapatupad din aniya ng kani-kanilang libreng sakay ang mga Police Regional Offices sa pakikipagtulungan ng mga local government units.
Sinabi ni Carlos na may instructions ang mga PNP personnel na kasama sa programa na ipatupad ang physical distancing kaya 50 porsyento ang ng kapasidad ng mga sasakyan ang maaring gamitin.
Humingi naman ng pasensya sa publiko si Carlos kung hindi nila maisasakay ang lahat ng stranded man pasahero, pero kailangan aniyang istriktong ipatupad ang mga health protocols para sa kaligtasan ng lahat.
Samantala, namahagi din ng faceshields si MGen. Carlos sa mga PNP frontliners sa may bahagi ng Gateway-Cubao/ Aurora Boulevard MRT station.