Kinumpirma ni PNP Chief PDGen. Ronald Dela Rosa na sila ay naghahanda na ngayon para ituloy uli ang kanilang giyera kontra droga.
Sa panayam kay PNP chief, hindi pa nito masabi kung kailan nila sisimulan ang kanilang kampanya kontra droga tanging sagot nito na hintay hintay lang.
Sinabi ni Dela Rosa na ngayong binigyan na sila ng green light ng pangulo para ituloy ang kanilang kampanya ay susurpresahin nila ang mga drug lords na umanoy nagdidiriwang ngayon.
Hindi naman sinabi ni Dela Rosa kung anong istratehiya ang kanilang gagamitin para ma-aresto ang mga drug lords.
Sa ngayon nagsasagawa na ng assessment ang pambansang pulisya kaugnay sa pagbuo muli nila ng anti-drug group.
Sinabi ni PNP chief na ang pagpili sa mga police officers na bubuo sa bagong anti-drug group ay masusing pinagpipilian at ang mga walang mga record ang mapapabilang sa grupo.
Sa kabilang dako, ayon naman kay PNP Spokesperson SSupt. Dionardo Carlos, kasalukuyang nagsasagawa sila ngayon ng assessment para matukoy ang kasalukuyang sitwasyon lalo na sa illegal drug trade.
Nakatakda ding maglabas ang PNP ng command memorandum circular kaugnay sa pagbuo ng bagong anti-drug group.
Samantala, siniguro naman ng PNP na kahit magiging bahagi muli sila sa anti-illegal drug campaign ng pamahalaan magpapatuloy pa rin sila sa kanilang internal cleansing.
Sisiguraduhin din ng PNP na hindi magagamit ng mga tiwaling pulis ang kanilang bagong kampanya kontra droga.