-- Advertisements --
PNP

Naglunsad ng online training portal ang Philippine National Police para sa mga tauhan nito na itatalagang magbantay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ito ay ang Police Open Academy Portal na maaaring ma-aaccess ng mga pulis online mula Agosto 29, 2023.

Bahagi ito ng paghahanda ng Pambansang Pulisya para sa naturang aktibidad upang matiyak na maayos na maipatutupad ang seguridad sa iba’t-ibang panig ng bansa sa panahon ng nasabing lokal na halalan.

Ayon kay PNP-Public Information Office chief PBGEN Redrico Maranan, layunin ng online training na ito na ihanda ang mga tauhan ng Pambansang Pulisya at maging ang reactionary standby support force nito para sa kanilang mahalagang papel sa naturang eleksyon.

Samantala, sa bukod naman na pahayag ay kumpiyansa si PNP chief PGEN Benjamin Acorda Jr. na masisiguro ang pinakamataas na antas ng propesyunalismo sa mga pulis gamit ang makabagong teknolohiyang ito na patunay lamang din aniya ng pagbabago at innovation sa buong organisasyon.

Kasabay nito ay iginiit naman ng hepe ng Pambansang Pulisya ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga kalahok sa online training program para sa tiyak na tagumpay at mapayapang BSKE.