Nagpaabot nang pakikiramay ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga pamilya at kasamahan ng dalawang opisyal ng militar at dalawang sundalo na nasawi matapos pagbabarilin ng mga pulis sa Jolo, Sulu.
Sa isang statement sinabi ni PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac na nagkasundo ang mga opisyal PNP at AFP sa Sulu na ipaubaya sa ational Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa insidente.
Ito ay para maging patas at walang pagduda na maiimpluwensyan ang resulta ng imbestigasyon.
Sinabi ni Banac na bilang pangunang hakbang, “restricted to quarters” ang mga pulis na involved sa insidente bilang paghahanda sa imbestigasyon ng NBI.
Una na ring ipinag-utos ni DILG Sec. Eduardo Año na dis-armahan ang naturang mga pulis, kasabay ng pag-atas sa CIDG na imbestigahan ang insidente.
Nilinaw naman ni Banac na susuporta lang ang CIDG sa NBI na siyang lead investigator.
Dagdag ni Banac, inatasan na rin ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa si Police Regional Office-BAR regional director B/Gen General Manuel Abu na ibigay ang lahat ng administrative at operational support sa NBI investigators.