Nagpadala ng panibagong tropa ang Philippine National Police (PNP) sa Marawi City para tumulong sa nagpapatuloy military and police operations doon.
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, higit 300 pulis mula sa PNP Regional Public Safety Battalion dito sa Luzon ang idineploy sa Marawi partikular mula sa Region 4-A at Region 3.
Sinabi ni Carlos, nasa 241 mga pulis mula sa Calabarzon o PNP Region 4-A ang pinadala sa Marawi at 72 naman mula sa PNP Region 3 o Central Luzon.
Giit ni Carlos na kailangan ng mga fresh troops sa Marawi kaya kailangan nilang magpadala roon ng karagdagang tropa.
Paliwanag ni Carlos na ang mga pulis na galing Luzon ay siyang hahalili pansamantala sa mga pulis na galing sa iba’t ibang regional battalions sa Mindanao na mahigit isang buwan na roon.
Layon nito ay upang mabigyan naman sila ng pagkakataon na makapag pahinga.
Ang mga pulis na nakatalaga sa mga checkpoint sa Marawi City ay sila rin ang nagsasagawa ng paghahaluglog sa mga bahay bahay doon matapos ang isinagawang clearing operation ng militar.