Nagpaliwanag ang Pambansang Pulisya kung bakit mas mataas ang bilang ng mga naitatalang casualty kasunod ng pananalasa ng Bagyong Ompong.
Ayon kay PNP Chief PDGen. Oscar Albayalde na nakabatay ang kanilang datos mula sa mga ulat na ipinadadala ng kanilang mga tauhan mula sa ground bilang mga first responders.
Sumasailalim din aniya ang mga ito sa masusing validation ang mga naitatala nilang casualties dahil marami silang mga tauhan na ipinadala sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo
Katulad aniya ng SOCO o Scene of the Crime Operatives na siyang tutukoy at kikilala sa mga makukuhang bangkay sa mga landslide areas na ini-uulat naman sa Local Government Units at Department of Health para isumite sa DILG para maisama sa opisyal na listahan ng NDRRMC.
Sinabi naman ni PNP spokesperson PSSupt. Benigno Durana na ang nasabing bilang ay nanggaling sa mga kapulisan na nasa field.
Ito ay mga raw data na nangangailangan pa ng validation.
Nagbabala naman ang PNP laban sa mga modus o scam na magsasamantala sa sitwasyon gamit ang social media.
Sinabi ni Durana, na mas mainam kung “in kind” o iyong mga bagay na lubhang kinakailangan tulad ng damit, pagkain, inuming tubig at iba pa ang ibibigay sa mga sinalanta ng kalamidad sa halip na pera.
Ito ay para maiwasan na mabiktima ng mga magsasamantala na nanghihingi ng donasyon.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ng PNP na 100 percent ang kanilang presensiya lalo na sa pag responde sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Ompong.
Ang pahayag ni Durana ay kasunod ng hakbang ng DILG na imbestigahan ang mga local officials na missing in action nuong kasagsagan ng bagyo.