Nagpaliwanag ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa inilabas nitong service recognition incentives (SRI) para kanilang mga personnel na nagdulot ng pagkadismaya matapos ang hindi inaasahang pagbaba ng halaga na kanilang natanggap ngayong taon kumpara sa nakaraang taon.
Mula kasi sa karaniwang P10,000 noon, nakatanggap lamang ang 227,604 uniformed at non-uniformed personnel ng PNP noong Enero 4 ng standard na P7,000.
At ang mas ikinagalit nila, base sa mga reklamong natanggap ng Bombo Radyo, ay isinailalim pa rin ito sa 25 hanggang 30 percent tax.
Ipinaliwanag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang halaga ng service recognition incentives (SRI) ay depende sa available budget na galing sa General Appropriations Act (GAA), partikular sa Personnel Service Allotment.
Aniya, ang PNP ay hindi maaaring magbigay ng higit sa P7,000 dahil kung gagawin ito, maaapektuhan ang suweldo ng mga pulis at maging ang retirement pay ng mga retirees.
Samantala, sinabi naman ni PNP chief information officer Col. Redrico Maranan na nakatanggap ng mas mataas na service recognition incentives (SRI) ang mga tauhan ng PNP noong 2021 dahil naglabas ang DBM ng karagdagang pondo para sa mga tauhan ng PNP na makatanggap ng kabuuang P10,000 bawat isa.
Ipinaliwanag pa ni Fajardo na malinaw sa guideline na inilabas ng DBM na ang service recognition incentives (SRI) ay isasailalim sa 25 hanggang 30 porsiyento batay sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).
Tanging mga mabababang tauhan lamang ng PNP ang nakaligtas sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN)Law.
Sinabi ni Fajardo na mula sa ranggong Patrolman hanggang Police Chief Master Sergeant, tax free ang service recognition incentives (SRI).
Ang 25 porsiyentong buwis ay nagsisimula para sa hanay ng Police Chief Master Sergeant hanggang Police Captain habang ang mga may ranggong Police Major hanggang four-star general ay kailangang magbayad ng 30 porsiyentong buwis.
Magugunita na ang mga guro ay nakatanggap ng P15,000 service recognition incentives (SRI) habang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nakatanggap naman ng P20,000 service recognition incentives (SRI).