-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagpatupad na ang Philippine National Police ng adjustment sa schedule ng kanilang mga tauhan na naka-deploy sa field upang maiwasan ang posibleng sakit na maaaring maranasan sa panahon ng tag-init.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Shella Mae Sangrines, spokesperson ng Iloilo City Police Office, sinabi nito na nababahala sila sa maaaring idulot ng mataas na temperatura sa katawan ng mga pulis at heat stroke na maaaring ikamatay ng mga makararanas nito.

Ayon kay Sangrines, ang heat stroke at dehydration ay kadalasan na tumatama ngayon.

Anya ang heatstroke bilang isang kondisyon ay nag-iinit ang temperature ng katawan pagkatapos ng matagal na pagkakalantad sa init ng araw.

Samantala, ang dehydration ay isang heat-related condition na maaaring sanhi ng labis na pagpapawis at kakulangan ng likido sa katawan ng tao.

Paalala ni Sangrines, ugaliin magdala ng tubig kapag nasa field at magsuot ng sumbrero para matakpan ang ulo at magsuot din ng preskong damit .

Anya, maaaring maiwasan ang heatstroke labis man ang init ng panahon kung iinom ng maraming tubig at paggamit ng mga pananggalang sa araw tulad ng sumbrero at payong.

Dapat din umanong iwasan ang pag-inom ng mga diuretic na gamot o mga gamot na nagdudulot ng madalas na pag-ihi.

Maliban dito, dapat din umanong limitahan ng mga pulis ang pag-inom ng kape at mga energy drink ngayong tag-init.