Nagsasagawa na ngayon ng motu propio investigation ang PNP-Internal Affairs Service (IAS) hinggil sa kontrobersiyal na law enforcement operation na isinagawa ng Police Provincial Office (PRO)-7 sa Negros Oriental na ikinasawi ng 14 indibidwal.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Oscar Albayalde, standard operating procedure (SOP) na sa IAS ang magsagawa ng imbestigasyon lalo na sa mga ganitong insidente na may kumukwestiyon sa kanilang operasyon.
Siniguro naman ni Albayalde na sa lalong madaling panahon, ilalabas na ng IAS ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Nakahanda din ang PNP na humarap sa anumang imbestigasyon, bilang patunay na wala silang itinatago sa kanilang operasyon.
Ang isinagawang “one time big time” operation ng PRO-7 sa Negros Oriental laban sa mga itinatagong loose firearms ay saklaw ng isang operation plan kaya hindi umano ito basta-bastang operasyon.
Matagal na umanong pinlano ng PNP ang nasabing OPLAN base sa mga nakuhang intelligence information ng PNP sa kanilang mga sources.
Una nang nanindigan ang PNP na walang irregularidad sa kanilang operasyon dahil bitbit ng mga pulis ang nasa 36 na mga search warrants sa iba’t ibang lugar sa Negros Oriental.