Nasa 5,000 na mga police personnel ang magbibigay seguridad para sa nalalapit na Sea Games sa darating na Nobyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac kaniyang sinabi na ngayon pa lamang nagsisimula na ang kanilang paghahanda na pangungunahan ng PNP region 3.
Aniya, posibleng madagdagan pa ito sa mga darating na buwan depende sa magiging assessment.
Magkakaroon din ng augmentation force mula dito sa national headquarters sa Camp Crame.
Magdedeploy din ang PNP ng mga special units gaya ng mga K9 dogs at explosive teams sa lahat ng venue para matiyak na ligtas ang mga manlalaro at mga delegado.
” Umarangkada na ang preparasyon na isinasagawa ng PNP na gagamitin para sa nalalapit na SEA Games sa buwan ng Nobyembre at ang buong pwersa ng PRO-3, of course may mga augmentation pa tayo na ipapadala mula dito sa national headquarters at maging yung special units natin ay gagamitin din natin,” pahayag ni BGen. Banac.
Samantala, ayon naman kay PNP Chief PGen. Oscar Albayalde, na sapat ang pwersa na kanilang idedeploy upang matiyak ang seguridad gayundin ang kaayusan sa panahon ng Sea Games.
Paiigtingin din ng PNP ang kanilang Intellegence monitoring at intel gathering para masiguro na walang grupo na nagnais manabotahe.
” Tayo usually,pinoprovide natin what we have kung anong meron natin like the communication and most particularly is yung manpower at yung capability natin on information gathering kung meron diyan mga grupo na gustong magsabotage or take advantage ng event,” wika ni PNP Chief Albayalde.