Nagtalaga ng dagdag na pwersa ang Philippine National Police (PNP) para sa obserbasyon ng Holy Week ngayong huling linggo ng Kwaresma.
Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo kay PNP-Public Information Office Chief Col. Randulf Tuaño, kinumpirma nito na magtatalaga ang kanilang hanay ng karagdagang 25,000 na kapulisan bilang dagdag na seguridad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kung matatandaan kasi, nauna nang deployment ng PNP ang 40,151 na mga personel mula sa kanilang hanay para sa Ligtas SumVac 2025 na nasimula ngayong Abril hanggang sa susunod na buwan.
Ang dagdag na pwersa mula sa kanilang hanay ay para sa espesyal na obserbasyon ng Lenten Season ngayong tao na siyang nagumpisa nitong Abril 14 hanggang Abril 20.
Ayon rin kay Tuano, itatalaga ang mga karagdagang deployment sa mga spots na dadagsain ng publiko partikular na sa mga terminals lalo na sa mga simbahan.
Aniya, mula sa naturang bilang, 19,000 rito ang mga volunteers na itatalaga sa iba’t ibang simbahan ng bansa para sa pagpapaigting ng police visibility na direktiba mula kay PNP Chief Rommel Francisco Marbil.
Layon din nito na maiwasan ang mga potensyal na banta sa mga pantalan, terminal at lalong lalo na sa mga simbahan.
Samantala, nauna na dito ay tiniyak na ng PNP sa publiko na mananatiling naka-alerto ang buong hanay ng kapulisan sa buong panahon ng Semana Santa habang bukas rin ang kanilang mga help desks para tumugon sa anumang mga pangangailangan at insidente.