Nagtalaga ng “media security vanguards” ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga banta sa kaligtasan ng mga mamamahayag dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng karahasan sa mga ito bago, habang, at tuwing pagkatapos ng panahon ng halalan.
Sinabi ni Presidential Task Force on Media Security executice director Joel Egco na ginagawa nilka ang lahat upang maprotektahan ang mga ito laban sa naturang panganib.
Bukod kasi aniya sa ginagawang coverage ng mga manggagawa sa media ay may mga media personnel din daw kasi ang kumakandidato at ilan sa mga ito ay napatay kung kaya’t nagpapatuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang makita kung anu-ano ang posibleng mga panganib ang kakaharapin ng mga nasabing indbidwal lalo ang mga pumasok sa pulitika.
Ayon pa kay Egco na bagama’t napahina ng kasalukuyang paggamit ng social media ang banta sa seguridad ng mga media personnel dahil pandemya ay kinakailangan pa rin aniya na maglagay ng dagdag na mantle of protection para sa mga ito.
Samantala, tiniyak naman ni police public information chief Brig. Gen. Rederick Augustus Alba, na haharapin niya ang mga kinakailangang seguridad ng mga mamamahayag sa national level, habang maaari namang magtungo sa mga regional at local public information officer ang iba pang media practitioner para sa kanilang safety concerns.
Dagdag pa ni Alba, kung kinakailangan ay handa din aniya sila na arestuhin ang subject ng isang reklamo o kung may magsampa man aniya ng kaso dito, may warrant of arrest man o wala, basta’t may sapat silang ebidensya ukol dito.
Ngunit paglilinaw niya na hindi lahat ng reklamong may kaugnayan sa kanilang mga trabaho ay balido kung kaya’t binigyang diin din nito na magsasagawa muna sila ng validation bago gumawa ng mga kaukulang hakbang.
Magugunita na noong taong 2009 nang pumutok ang balita tungkol sa malagim na sinapit ng mga biktima ng Maguindanao massacre, kung saan ay nasa 57 katao, kabilang na ang 32 mga taga-media ang nasawi.