Nakaalerto ngayon ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga posibleng pag-atake ng mga rebeldeng komunista ngayong holiday season lalo na at papalapit na ang ika-52 anniversary ng Communist Party of the Philippines (CPP-NPA) sa December 26.
Ayon kay PNP chief General Debold Sinas, base sa mga nakalipas na dekada, nagpapakita ang CPP-NPA-NDF ng kanilang pwersa tuwing sumasapit ang kanilang anibersaryo.
Kaya naman, muli nyang inalerto ang lahat ng police unit lalo pa’t isang PNP patrol ang nasabugan ng landmine kahapon sa Barangay Balicua, Tubungan, Iloilo.
Mabuti na lang umano ay walang sugatan sa mga pulis na lulan ng patrol car na agad na nakaresponde.
Pinaalalahanan ni Sinas ang mga police field units na panatilihin ang defensive security posture sa kabila ng mga ginawang pag-atake ng CPP-NPA laban sa mga government personnel, government installations at mga civilian communities na karamihan ay sa pamamagitan ng landmine attacks.
Maliban dito, nitong December 15, dalawang military trucks na may kargang relief goods para sa disaster victims ang nasabigan din ng landmine sa Barangay Sogoy, Castilla, Sorsogon.
Noong December 10 naman, isang police corporal ang nasawi sa landmine-ambush na ginawa umano ng CPP-NPA-NDF sa police team na nagsasagawa ng administrative mission at papunta ng korte sa Barangay Logero, Marabut, Samar.
Nabatid na hindi nagdeklara ng tigil putukan ang pamahalaan laban sa CPP-NPA, bagay na sinuklian naman ng hindi rin pagdedeklara ng tigil putukan ng mga rebelde.