Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na doble kayod ang mga pwersang pangseguridad para mapigilan ang mga tangkang pag-atake ng mga lokal na teroristang grupo.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Eleazar matapos sabihin ni Executive Secretary Salvador Medialdea na pinapaalala sa mga lokal na terorista ang epekto ng pandemya sa pamamagitan ng kanilang pagpatay, pangingikil, at pag-atake sa humanitarian missions.
Ayon kay Eleazar, pinalakas ng PNP ang kanilang presensya sa mga komunidad at pinaigting ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga LGU upang kontrahin ang mga grupong ito.
Sinabi ni Eleazar na mahigpit din ang koordinasyon ng PNP sa AFP sa pagbabantay ng mga komunidad na madalas maging target ng pag-atake ng mga komunista.
Pero inamin ng PNP chief na may mga pagkakataon na nakakalusot pa rin ang mga terorista.
Ayon kay Eleazar palalakasin pa ng PNP ang kanilang magandang relasyon sa mga lokal na pamahalaan, residente at iba pang mga stakeholder upang masawata ang mga teroristang grupo na makakamit lamang sa pamamagitan ng whole-of-nation approach.