-- Advertisements --

Inaasahan na ng PNP ang posibleng retaliation ng mga pro-ISIS groups sa pagkakapatay sa leader ng terroristang grupo na Ansal Al Khilafa Philippines (AKP) kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni Dela Rosa, naglabas na siya ng direktiba sa mga regional police directors na paigtingin ang kanilang seguridad para maiwasan ang anumang posibleng pag-atake ng teroristang grupo bilang paghihiganti sa pagkakapatay sa kanilang lider.

Pahayag ng PNP chief na ang pagkakapatay kay Mohammad Jaafar Maguid alyas “Tokboy” at ang pagkakahuli sa tatlong nitong kasamahan ay malaking dagok sa mga teroristang grupong nakikisimpatiya sa ISIS.

Aminado si Dela Rosa na dahil sa pag neutralize sa AKP leader tiyak na hihina ang kakayahan ng Ansal Al khalifa na maghasik ng terrorismo.

Subalit di magtatagal ay may papalit din dito.

Si Tokboy ay isang magaling na bomb-maker at kilalang ekstorsyonista na wanted sa napakaraming kaso at itinuturong responsible sa Rizal Day bombing sa General Santos City.

Si Maguid ay may patong na P300,000 sa kanyang ulo.

Binati naman ni Dela Rosa ang mga pulis sa Region 12 na responsable sa pag-neutralize kay Tokboy.

Ang civilian informant ang siyang makakatanggap ng pabuya.