KORONADAL CITY – Nasa full alert level status sa ngayon ang otoridad sa bayan ng Midsayap, North Cotabato matapos mapigilan ang tangka sanang pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) sa tapat mismo ng Midsayap municipal police station at Bureau of Fire Protection (BFP) Midsayap.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Rolly Oranza, hepe ng Midsayap municipal police station sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon sa hepe, nakatanggap sila ng isang report galing sa mga sibilyan may kinalaman sa isang kaduda-dudang bag na iniwan lamang sa isang basurahan sa Roosevelt St. Poblacion 3 ng nasabing bayan.
Mabilis namang rumesponde ang mga bomb experts mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at explosive ordnance division (EOD) at agad nagsagawa ng Rendered Safe Procedure (RSP) at kalauna’y nakumpirma ng EOD team na bomba nga ang laman ng bag sa loob ng basurahan.
Siniguro naman ng mga otoridad na wala nang nailatag pang mga bomba sa paligid at nang masigurong iisa lang ang IED, mabilisang dinifuse ng EOD team ang bomba.
Dagdag pa ng hepe, ang naturang IED ay binubuo ng main charge, blasting cap, circuit at dalawang 9 volts batteries.
Ni-review na rin ng otoridad ang CCTV footage at nakuha nito sa area ang pagdating ng dalawang suspek na lulan ng motorsiklo bandang alas-6:30 kagabi na mabilis ring tumakas matapos iwan ang bag.
Aminado naman ang si Orenza na bago paman ang tangkang pambobomba sa Midsayap, nakatanggap na ng banta na nanggaling sa ‘di pa nagpakilalang grupo ang probinsya ng North Cotabato.
Nagpapasalamat naman ang mga otoridad sa mabilis na aksyon ng mga residente sa lugar.