Nag-deploy ng mga mobility assets ang Philippine National Police sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa bilang pagtugon sa posibleng maging epekto ng panibagong yugto ng tigil-pasada ng grupong MANIBELA at PISTON ngayong araw, Abril 29, 2024.
Layunin nito na alalayan ang mga pasaherong pangunahing maaapektuhan ng naturang kilos protesta ng mga tsuper at Operator ng public utility jeepney sa pamamagitan ng pag-aalok ng libreng sakay kung kinakailangan.
Samantala, kasabay nito ay tiniyak din ng kapulisan na mahigpit silang magpapatupad ng “maximum tolerance” sa mga indibidwal na makikiisa sa naturang tigil-pasada at maging sa mga programang kanilang inihanda.
Bahagi na rin ito ng pagbibigay galang at respeto ng Pambansang Pulisya sa karapatan at kalayaan ng bawat isa na magpahayag ng kani-kanilang sariling mga kalooban.
Gayunpaman ay nagbabala pa rin ang PNP na magpapatupad ito ng kaukulang mga hakbang sa oras na magkaroon man ng paglabag ang mga raliyista sa kasagsagan ng kanilang pagpoprotesta tulad na lamang ng kamakailan lang na paghambalang ng mga jeepney ng isa sa naturang mga grupo sa bahagi ng Welcome Rotonda sa nauna na nitong isinagawang tigil-pasada.
Samantala, bukod sa PNP ay makakatulong din nito ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at Metropolitan Manila Development Authority, gayundin ang iba pang mga lokal na pamahalaan para sa pagbibigay ng libreng sakay sa mga maaapektuhang pasahero ng naturang libreng sakay.