-- Advertisements --

Naka-abang din ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa ilalabas na resulta sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa madugong shootout sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue noong Pebrero 24 na ikinasawi ng 2 pulis, 1 agent ng PDEA gayundin ang isang impormante.

Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, dahil sa pangyayari ay nagkasundo ang dalawang ahensya ng pamahalaan na lumagda ng isang joint memorandum circular na nagtatakda ng mga panuntunan sa pagkakasa nila ng anti-illegal drugs operations.

Siniguro naman ni PNP chief sa publiko na masusing tatalakayin ang anumang magiging resulta ng imbestigasyon upang mapaganda at maisaayos pa ang kanilang mga ginagawang ugnayan batay sa perspektiba ng DOJ.

Binigyang-diin pa ng PNP Chief na kailangan ng pagkakaisa upang ganap na matuldukan ang giyera kontra droga sa bansa kaya’t malaki aniya ang maitutulong ng nilagdaan nilang kasunduan upang tuluyan nang mapagtagumpayan ng bansa ang inugat nang problema nito sa illegal drugs.