Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kahandaan sakaling magkaroon muli ng mas mahigpit na quarantine classification.
Ito’y kasunod na rin ng pagdami ng kaso ng Delta variant sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, hindi na bago sa PNP ang anumang uri ng quarantine restrictions kaya makakaasa ang lahat sa kanilang kahandaan kung ano man ang ipag-uutos ng ating IATF at mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Eleazar, bago pa man itulak ng OCTA Research group ang “circuit-breaker” lockdown sa Metro Manila, nagbaba na siya ng utos sa lahat ng police commanders na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng quarantine rules.
Inatasan niya rin ang mga ito na makipag-ugnayan sa mga local government unit para sa mga posibleng adjustments.
Samantala, sinabi rin ng PNP chief na pinaghahanda niya ng deployment plan ang mga police commander na may mga kaso na ng Delta variant ng Coronavirus Disease sa kanilang area of responsibility.