Tiniyak ng PNP Administrative Support to Covid-19 Task Force (ASCOTF) na nakahanda sila sa “worst-case scenario”, ngayong may kumpirmadong kaso na ng Covid-19 delta variant sa bansa.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander PLt.Gen. Joselito Vera Cruz, sinabi nito nakahanda ang kanilang mga quarantine, isolation at treatment facilities sakaling biglang sumirit ang Covid-19 cases sa kanilang hanay.
Ayon kay Vera Cruz, mahalaga na ma-maintain nila ang mga nasabing facilities nang sa gayon handa sila sakaling magkaroon ng hindi kaaya-ayang mga scenario lalo ngayon may kumpirmadong kaso na ng Delta variant sa bansa na tinaguriang most transmissable variant.
“Nakahanda naman Anne ang ating mga quarantine/isolation/treatment facilities. Kahit na bumababa ang ating cases ngayon, patuloy pa rin natin mini-maintain ang mga ito para nakahanda tayo sa banta ng sinasabing Delta variant at kung anu pang mga variant ang paparating,” mensahe ni LtGen. Vera Cruz.
Naglabas naman ng mahigpit na paalala si Vera Cruz sa lahat ng PNP personnel na magpa bakuna na lalo na kung may available vaccine para may dagdag proteksiyon laban sa Covid-19 virus.
Aminado naman si Vera Cruz na may mga pulis pa rin hanggang sa ngayon ang ayaw magpabakuna sa ibat-ibang kadahilanan.
Ayon sa Heneral, batay sa isinagawa nilang survey sa National Headquarters (NHQ) nasa 8.5% pa sa mga pulis ang ayaw magpa bakuna.
Habang nasa 25% naman ang naghihintay ng availability ng kanilang vaccine of choice.
‘Sa survey namin sa NHQ may 8.5% na ayaw magpa bakuna but we are still convincing them to take the available shots. May about 25% din naman na waiting availability ng vaccine of choice nila maybe because of advice from their doctors/relatives or based on their personal research. Still waiting for allocation of additional vaccines,” dagdag pa ni Lt Gen. Vera Cruz.
Binigyang-diin din ng opisyal na ang mga nabakunahan naman ng 1st dose at second dose ay dapat pa rin sumunod sa Minimum Public Health Standard (MPHS) dahil maaari pa rin ang mga ito na ma-infect sa nakamamatay na virus.
Pinaalalahan din ng PNP ASCOTF ang mga pulis na huwag mag self medicate agad humingi ng medical assistance lalo na kapag may mga nararamdamang sintomas ng Covid-19.
Todo paalala din ang Heneral sa mga police unit commanders na sumunod din sa health and safety protocol.
” Yes Anne. On the threat of the “Delta” variant, nagpa issue na ako ng stern reminder sa ating mga kapulisan to grab the opportunity and have themselves vaccinated from the vaccines being rolled out by the government thru our Health Scv & LGUs. Pinaalalahanan din natin yung mga nakapa vaccine na, whether 1st dose or 2nd dose, to still observe the MPHS dahil they are not 100% protected from contracting or carrying the virus especially with the emergence of new variants like the dreaded “Delta” variant. At syempre huwag din nila kalimutan na palakasin ang kanilang immune system thru exercise and taking the prescribed vitamins/supplements. They were also reminded not to self medicate and seek immediate medical assistance with the onset of covid symptoms and to avoid crowded areas especially in enclosed spaces. Persistent din ang ating reminder sa ating mga unit commanders on the observance of MPHS sa kanilang mga nasasakupan dahil ito lang ang full proof measure natin to break the transmission of the deadly virus,” mensahe na ipinadala ni Lt Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.