-- Advertisements --

1veracruz
PNP TDCA PLt.Gen. Joselito Vera Cruz

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na sila ay mas handa ngayon sakaling magkaroon muli ng pagtaas sa kaso ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) sa bansa.

Ayon sa pamunuan ng PNP Administrative Support For COVID-19 (ASCOTF), nakalatag na ang kanilang ipapatupad na mga health and safety protocols sakaling sumirit muli ang COVID cases.

Ito’y lalo’t mayroon ng tatlong kaso ng Omicron variant na naitala ang Department of Health (DOH) kaya todo paalala ang PNP sa kanilang mga tauhan at publiko na huwag magpakampante.

Mahalaga aniya na istriktong sumunod pa rin sa minimum public health standard upang hindi na tayo bumalik sa pinakamataas na alert level status ng quarantine classification.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF Commander P/Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, malaking bagay ang pagbabakuna sa kanilang mga taihan laban sa COVID-19.

“Tamaan man tayo later on mas prepared siguro tayo kasi sa amin more than 99% na ang vaccinated sa amin including ‘yung naka first dose and in due time maka-second dose na rin sila, and we are monitoring ‘yung mga fully vaccinated and see to it na ‘yung mga kailangan ng booster shots ay mabigyan ‘yan. Tuloy tuloy pa rin ang vaccination pero depende pa rin sa allocation na ibibigay ng DOH, talagang mina-maximize namin ang mga vaccine na ina-allocate sa PNP,” ani Lt. Gen. Vera Cruz.


Sa ngayon, nasa 99.21 percent na sa mga police personnel ang vaccinated kung saan 214,742 o 94.97% ang fully vaccinated at nasa 9,588 o 4.24% ang nakatanggap ng first dose.

Nasa 1,780 o 0.79% naman ang ayaw magpabakuna, at sa nasabing bilang, 718 dito ay may valid reason habang ang 1,062 ay walang valid reason.

Gayunpaman, patuloy ang panghihikayat ng PNP ASCOTF sa mga tauhan nila na magpabakuna upang magkaroon sila ng proteksiyon laban sa nakakamatay na virus.

Samantala, sa kabila ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID sa kanilang hanay ay hindi aniya sila nagiging “complacent” bagkus ay nag-iingat pa rin para makaiwas na mahawaan.

Sa ngayon, nasa 13 na lamang ang COVID active cases ng PNP at ilang araw din na zero case, pwera na lamang kahapon kung saan dalawang bagong kaso ang naiulat. Nananatili naman sa 125 ang nasawi.

Ayon sa heneral, patuloy na pinapanatili ng PNP ang kanilang mga treatment and isolation facilities para maging handa sakaling tumaas muli ang COVID cases sa kanilang hanay.

Nakikiisa rin ang PNP sa Bayanihan, Bakunahan na programa ng gobyerno kung saan kanilang idinideploy ang kanilang mga Medical Reserved Force na nagsisilbing mga vaccinator.