Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na harapin ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa pagsisilbi ng arrest warrant laban kay KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy at pag-raid sa kaniyang properties sa Davao city.
Ito ay matapos na ipahiwatig ni Senator Robin Padilla sa imbestigasyon ang posibleng paglabag sa karapatang pantao sa ikinasang mga operasyon sangkot ang mahigit 100 police personnel.
Ayon kay PNP spokeperson Col. Jean Fajardo, isa aniya itong magandang pagkakataon para marinig ang kanilang panig kung ano ang tunay na nangyari at naninindigan ang pambansang pulisya na valid ang naging police operation noong Hunyo 3.
Sinabi din ni Col. Fajardo na planadong mabuti ang operasyon para maiwasan ang tensiyon at karahasan.
Sa kabutihang palad naman sa kabila aniya ng tensiyon ay walang matinding nasugatan sa insidente.
Inihayag din ni Col. Fajardo na palaging bukas ang PNP sakali mang kusang sumuko na si Pastor Quiboloy at iba pang kapwa akusado nito sa kaso ng sexual at child abuse at human trafficking.
Kung maaalala, hinalugad ng kapulisan ang mga property ng Pastor sa Buhangin, Davao Cicty at sa Prayer and Glory Mountains sa Barangay Tamayong subalit hindi nahanap doon ang Pastor.
Nagdulot ng tensiyon ang naturang operasyon sa pagitan ng kapulisan at tagasunod ni Pastor Quiboloy na nagbunsod ng pagbatikos mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na tinawag itong overkill.