Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 1,786 COVID-19 reinfected cases, simula ng mag-umpisa ang pandemya sa bansa kung saan isa sa tatlong personnel na nagpakita ng severe symptoms ay pumanaw habang ang dalawa ay nakarekober sa sakit.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, kaniyang sinabi na ang pumanaw na personnel ay hindi bakunado habang ang dalawa ay naturukan ng first dose.
As of October 5, 2021, batay sa datos ng reinfected cases sa PNP, nasa 1,561 dito ay asymptomatic, 222 may mild symptoms at tatlo ang severe symptoms.
Karamihan sa mga nagkaroon ng reinfection na mga personnel ay mula sa iba’t-ibang regional police offices (PRO) na nasa 989, sinundan ito ng National Operations Support Unit (NOSU) na nasa 418, National Administration Support Unit (NASU) nasa 92 at 62 sa National Headquarters (NHQ).
“Total reinfection namin is 1,786 since start of the pandemic. Konti lang reinfection sa reported daily cases namin at majority dito ay new cases,” mensahe ni Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Sinabi ni Vera Cruz karamihan sa mga naitatalang COVID-19 cases sa pambansang pulisya ay mga bagong kaso maliit na porsiyento lamang ang reinfected.
Ayon sa heneral, sa ngayon patuloy na bumababa ang COVId-19 cases sa kanilang hanay, patunay dito ang pagbaba sa bilang ng occupancy rate sa kanilang mga isolation and treatment facilities.
May pitong isolation and treatment facilities ang PNP sa loob ng Kampo Crame at nasa 375 ang bed capacity nito.
Pahayag ni Lt.Gen. Vera Cruz, nasa 65 beds na lamang ang occupied sa ngayon at nasa 310 ang kanilang available beds.
Ipinaliwanag naman ni Vera Cruz na ang pagtaas ng naitalang kaso sa PNP kahapon October 5,2021 ay posible dahil maraming swab test o RTPCR Test ang naisagawa at late na nai-report.
” Yung increase for the day maybe due to more swab test conducted at late reporting of results. But generally, pababa na cases namin as can be seen sa occupancy rate ng mga isolation and treatment facilities namin,” dagdag na mensahe ni Vera Cruz sa Bombo Radyo.