Patuloy ang pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at ASCOTF commander PLt.Gen. Joselito Vera Cruz, batay sa datos ng PNP Health Service ngayong Miyerkules, January 12, 2022, nakapagtala ng 444 new cases kaya’t umabot na sa 44,317 ang total confirmed cases ng coronavirus sa pambansang pulisya.
Sumampa na rin sa 2,843 ang aktibong kaso ngayon sa PNP.
Ayon kay PLt.Gen. Vera Cruz, tumaas din ang mga naitalang COVID-19 cases sa mga Police Regional Police Offices.
Kaya muling pina-alalahanan ng PNP ang kanilang mga personnel na striktong sundin ang minimum public health standard (MPHS) gaya ng pagsusuot ng face mask, maghugas ng kamay at physical distancing.
Sa datos ng ASCOTF nasa 83 ang new cases sa National Headquarters; NASU-49; NOSU-122 at PRO – 190.
Nasa 467 ang active cases sa NHQ; NASU-483; NOSU- 1,071 at 822 sa mga Police Regional Offices.
Umabot na sa 41,349 ang mga gumaling sa sakit matapos madagdagan ng 12 new recoveries.
Nananatili naman sa 125 ang mga binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
“Kaya sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19 due to Omicron strain, ating pinaalalahahan ang ating mga kapulisan na kahit na tayo ay fully vaccinated na en nandun pa din ang posibilidad na tamaan pa din tayo kung hindi natin religiously i-observe ang MPHS sa ating mga sarili,” mensahe ni LtGen. Vera Cruz.
Patuloy namang hinihikayat ng PNP ang kanilang mga personnel na hanggang sa ngayon ay mayruon pa ring vaccine hesitancy na magpabakuna para magkaroon ng proteksiyon laban sa nakamamatay na virus.
“At sa mga hanggang ngayon ay may vaccine hesitancy pa, sana inyong maunawaan na ang bakuna ang magbibigay sa atin ng proteksiyon from severe infection na siguradong magpapahirap sa inyo physically and financially kung patuloy na ipagwawalang bahala niyo ito,” pahayag pa ni Vera Cruz.