-- Advertisements --

Nakapagtala ang Philippine National Police ng mga insidente ng pangha-harass ng mga raliyistang tsuper laban sa mga PUV driver na mas piniling mamasada ngayong araw sa halip na makiisa sa ikinasang tigil-pasada ng ilang transport group sa bansa.

Ito ang iniulat ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo sa unang araw ng panibagong yugto ng isinagawang Transport strike ng mga grupong PISTON at MANIBELA.

Ayon kay Fajardo, batay sa naging monitoring ng kapulisan may ilang mga nakilahok sa naturang tigil-pasada ang nangharass sa mga tsuper na hindi nakiisa sa naturang pagpoprotesta kontra PUV consolidation at Modernization program ng pamahalaan.

Aniya, ilan sa mga ito ay hinarangan o sinabuyan ng pako ang mga dadaanang kalsada ng mga jeep, habang ang iba naman ay tinakot pa ang mga jeepney driver na hindi sumama sa Transport strike.

Sabi ni Fajardo, sa ngayon ay nagpapatuloy ang kanilang pangangalap ng datos at impormasyon ukol dito, kabilang na rin ang statements ng mga nabiktimang mga tsuper para naman sa kaukulang pagsasampa ng kaso laban sa mga nagharass.

Babala ng opisyal, maaaring maharap sa mga kasong may kaugnayan sa grave coercion, threat, o damage to property ang mga indibidwal na mapapatunayang sangkot sa nasabing panghaharass sa mga pumapasadang jeepney drivers.

Samantala, sa kabila nito ay sinabi naman ni Fajardo na relatively peaceful naman ang ikinasang transport strike ng ilang grupo sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa.

Kasabay nito ay muli ring nanawagan ang PNP sa lahat ng mga makikiisa sa naturang tatlong araw na kilos-protesta na irespeto ang kanilang mga kasamahan na mas pipiliing maghanap-buhay, tulad na lamang ng paggalang ng mga otoridad sa karapatan ng mga ito sa kanilang malayang pagpapahayag ng kanilang saloobin.

Matatandaan na una nang inanunsyo ng grupong PISTON at MANIBELA na magtatagal hanggang sa darating na Mayo 1, 2024 ang ikinakasang pagpoprotesta ng mga ito bilang pagtutol sa pagpapatupad ng PUV consolidation at pagsusulong din ng PUV modernization ng pamahalaan.