Kinumpirma ng Philippine National Police na nakatatanggap ang kanilang ahensya ng samu’t saring mga tawag sa kanila na nagbibigay ng impormasyon sa posibleng lokasyon o pinagtataguan ng self-proclaimed Son of God at wanted na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, nang makausap at nakibalita raw sila kay PNP Police Regional Office XI Director Brigadier General Nicolas Deloso Torre II, sinabi raw nito na may mga tumawag nga sa kanilang hotline kasunod ng anunsyo na mayroong P10 milyong iniaalok na pabuya para sa ikaaaresto ni Pastor Quiboloy.
Ngunit nilinaw naman ni Fajardo na hindi nila tatanggapin kaagad ang ibinibigay na impormasyon dahil maaari raw na nililigaw lamang ng iba ang pokus at isinasagawang imbestigasyon ng ahensya.
Ang lahat daw ng ito ay masusing dadaan sa validation at may proseso rin silang susundin.