-- Advertisements --

Nakatutok ngayon ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa kung sino ang hitman na kinontak ni Vice President Sara Duterte na inatasan niyang pumatay kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., 1st Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez sakaling mauna raw siyang ipapatay.

Matatandaang binitawan ng pangalawang pangulo ang mabibigat na salita nang magsagawa ito ng virtual media briefing nitong Sabado, Nov. 23.

Pero ayon kay Duterte, hindi ito direktang banta dahil gaya raw ng sinabi niyang huhukayin niya ang bangkay ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itatapon sa West Philippine Sea, hindi ibig sabihin na sinabi niya ay aktuwal niya nang gagawin.

Samantala, nilinaw naman ni CIDG Director PBGen Nicholas Torre III, na ang direktiba ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ay imbestigahan ang insidente at hindi ang bise presidente.

Sa ngayon, ayon kay Torre, nagsisimula na ang CIDG sa kanilang motu propio investigation sa naturang insidente.