Mahigpit na tinututukan ngayon ng PNP ang mga tinaguriang top resort destinations sa bansa na posibleng maging target ng mga terorista.
Lalo na ngayon ay bakasyon at summer, inaasahan na marami ang magtutungo sa ibat ibang beaches sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, bukod sa mga paliparan, seaports at mga lugar na tinaguriang “areas of convergence” kabilang ang mga pangunahing resort sa bansa ang kanilang binabantayan.
Hindi naman tinukoy ni Bulalacao kung anong mga top resort destinations ang mga ito.
Pero kaniyang sinabi na nakaalerto ang mga pulis sa Region 7, Region 11 at Region 4B.
Ang mga nasabing rehiyon ay may maraming resort at mga beaches na pinupuntahan ng mga local foreign tourists.
Nilinaw naman ng heneral na sa ngayon, wala silang namo-monitor na direktang banta mula sa mga armadong grupo subalit mas mabuti na umanong mananatili silang nakaalerto.
Kasabay nito ay nanawagan din ang opisyal sa publiko na makipagtulungan at kung may mga napansin na kahinahinalang grupo o aktibidad sa kanilang kinalalagyan ay i-report agad ito sa otoridad.