Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa foreign counterparts nito para makumpirma kung nasaang bansa nga ba si dimissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na pinaniniwalaang nakalabas na ng Pilipinas noong nakaraan pang buwan.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, may posibilidad na umalis si Guo sa pamamagitan ng “illegal channel” o “backdoor”.
Mahirap daw kase na makaalis ito ng bansa na hindi gumagamit ng illegal channel dahil high profile ang kaso nito at maraming nakakakilala dito.
Binigyang diin ni Fajardo na ginawa nila ang lahat, pag dating sa monitoring, implimentation ng warrant of arrest na inisyu ng senado, at maging police assistance sa mga personnel ng Senate Sergeant-at-Arms. Kasunod nito, nakausap na rin umano ng PNP ang Director ng Aviation Security Group at sa katunayan ay hindi lang ang main airport ang pinabantayan sa mga pulis kundi pati na rin ang mga regional offices na may paliparan.
Sa kabila ng paghihigpit ng PNP at ilang ahensya ng gobyerno, kung talagang nakalabas umano ang alkalde sa bansa at mapatunayan na may mataas na tao o opisyal ng pamahalaan na tumulong sa likod nito, tiniyak ni PNP na may kakaharapin din itong kaso.
Samantala, sisilipin naman ng PNP ang abogado na nag-notarize ng counter-affidavit ni Alice Guo noong August 14 na iginiit na personal na pumunta sa kaniya si Guo noon. Sa kabila yan ng ulat ni Senator Risa Honteveros na July 18 pa lumabas na ng bansa ang dismissed mayor.
Ayon kay Fajardo, aalamin kung talagang nagsasabi ng totoo ang notary public dahil batay sa Supreme Court rulling noong 2018, hindi pupuwedeng mag-notaryo ng dokumento ang abogado kung hindi personal na haharap sa kaniya ang sinumang indibidwal na nakapirma sa dito.
Matatandaan na ayon kay Senator Risa Honteveros, sa impormasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) July 18 pa lang nakalabas na ng Pilipinas si dismissed Bamban Mayor Alice Guo o Gou Hua Ping papuntang Kuala Lumpur, Malaysia gamit ang kaniyang philippine passport.
Batay pa sa isang source ng Senadora, dumiretso si Guo papuntang Sinagapore para makipagtagpo sa kaniyang magulang.
Kanina, kinumpirma na rin ito ng Bureau of Immigration (BI) sa impormasyon mula sa kanilang counterpart, mula naman sa Singapore, napag-alamang bumiyahe ito patungong Indonesia nitong Linggo, August 18.