-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nakipag-ugnayan na ang pulisya sa Bureau of Jail Management and Penology kasunod ng lumabas na impormasyon na isang inmate sa Iloilo District Jail sa Nanga, Pototan, Iloilo ang nagsasagawa ng drug transaction mula Luzon at binibenta sa lalawigan.

Una rito, lumabas ang impormasyon na konektado ang hindi pinangalanang inmate sa dalawang subjects ng coordinated drug operations sa pagsilbi ng search warrants ng mga otoridad nitong mga nakaraang araw.

Sa nasabing operasyon, arestado ng Pavia Municipal Police Station si Neil Solen, 36,residente ng Purok 4,Cabugao Norte, Pavia, Iloilo kung saan nabilhan ito ng halos kalahating milyong halaga ng shabu.

Naaresto naman ng Sta. Barbara Municipal Police Station sa kanilang bahay sa Cabugao Norte,Sta. Barbara, Iloilo si Rey Lamera na nahulihan ng droga na nagkakahalaga ng P200,000.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Rolando Araño, spokesperson ng Iloilo Police Provincial Office, sinabi nito na sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng validation sa nasabing impormasyon.

Ayon kay Araño, inaalam na nila ang background ng nasabing inmate at kung paano ito nakakagawa ng transaksyon kahit nasa loob ito ng kulungan.