Kabilang ang Philippine National Police (PNP) sa mga naghihintay na mabigyan ng allocation ng Department of Health (DOH) para sa kanilang second dose na Sputnik V vaccine.
Nasa 9,900 doses ng Sputnik V vaccine ang inaasahan ng PNP na maibigay sa kanila ng Department of Health (DOH) ng sa gayon maturukan na rin ang mga naghihintay ng kanilang second dose.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP, The Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOFT Commander Lt.Gen. Joselito Vera Cruz, sinabi nito na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa National Vaccination Operations Center (NVOC) para sa kanilang allocation na bakuna.
Umaasa si Vera Cruz na mabigyan na sila at ma-release na ito ngayong linggo.
” We are coordinating with NVOC for the allocation of 9,900 vaccines (2nd dose). Hopefully ma release yun within the week,” mensahe ni Lt.Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
July 12, 2021 ng bigyan ng DOH ang PNP ng 9,900 doses ng Sputnik V vaccine first dose allocation kung saan karamihan sa mga naturukan ay sa National Headquarters sa Camp Crame.
Una ng sinabi ni Vera Cruz, nasa 7,500 doses Sputnik V vaccine ang inilaan sa NHQ habang ang excess na 2,400 doses ay ipinamahagi sa NCRPO, AVSEGROUP at PNP-SAF.
Sa kabilang dako, una ng tiniyak ni National Task Force For Covid 19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez na mababakunahan na ang mga naturukan ng unang dose ng Sputnik V vaccine.
Ito’y matapos dumating nuong September 18, 2021, Sabado ng gabi, sa NAIA Terminal 3 ang karagdagang 190,000 doses ng Sputnik V Component II COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Galvez ang mga nasabing bakuna ay nakalaan para sa mga second dose.
Personal na sinalubong pa ito nina Sec. Galvez., Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov, Phil. Archipelago International Trading Corporation Chairman Benito Yap Aw at President Olivia Limpe Aw.
Samantala, nasa mahigit 90% na sa mga police personnel ang nabakunahan ng Covid-19 vaccine as of September 21,2021.
Batay sa datos ng PNP ASCOTF nasa kabuuang 316,691 doses ng Covid-19 vaccine ang na-administered sa PNP kung saan 137,699 o 61.82% ang fully vaccinated, nasa 75,573 o 33.94% ang nabakunahan ng first dose.
Sa ngayon nasa 9,449 o 4.24% ang ayaw pa rin magpa bakuna.
Sa nasabing bilang 1,586 dito ay may valid reason habang ang 7,863 ay walang valid reason.
Samantala higit 50% na rin sa mga kapulisan sa ibat ibang regional police offices sa buong bansa ang fully vaccinated.