Kumpirmadong ginahasa ang flight attendant na si Christine Angelika Dacera.
Ayon kay PNP chief Gen. Debold Sinas, base sa lumabas na medico legal report present ang lahat ng elements na ni-rape ang biktima kaya maituturing na rape-slay case ang kaso ni Christine.
Isinampa na rin ang inisyal na kaso sa piskalya.
Ibinunyag din ni Sinas na posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga suspeks batay na rin sa mga nakuhang CCTV footages.
Sa ngayon tatlong suspeks ang nakakulong habang walo ang at-large.
Personal namang nagpaabot nang pakikiramay sa pamilya Dacera si Sinas at kaniyang kinausap ang pamilya hinggil sa progres sa kaso ni Christine.
Una nang binigyan ng ultimatum ni Sinas ang mga suspeks na sumuko sa loob ng 72 hours kung hindi ay gagamitan na sila ng pwersa ng PNP.
Siniguro ni Sinas sa pamilya na hindi nila palalagpasin ang kaso at kanilang sisiguraduhin na mananagot ang mga suspeks.
Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang imbestigasyon ng mga police investigators at maging ng PNP Crime Laboratory (SOCO).
Ipinag-utos na rin ni Sinas sa CIDG na agad maglunsad ng manhunt operation laban sa mga suspek para iimplementa ang subpoena.
Sa ngayon nasa proseso na sa pag-locate ang mga trackers team ng CIDG laban sa mga isinasangkot.
Kasabay nito, umapela si Sinas sa publiko lalo na sa social media na iwasan mag-speculate kaugnay sa kaso para hindi magkalituhan.
Sa pagharap naman ni Mrs. Sharon Dacena kay Gen. Sinas, sinabi nito na kontento siya sa takbo ng imbestigasyon kaugnay sa kaso ng kaniyang anak.
Samantala, umapela na rin si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief BGen. Vicente Danao Jr., sa mga suspeks sa Dacera rape-slay case na at large pa ngayon na boluntaryong sumuko na lamang sa otoridad at huwag nang hintayin pa lumabas ang kanilang warrant of arrest.
Sinabi ito Danao kung talagang inosente at walang kasalanan ang mga ito, huwag na silang magtago, sumuko na at idipensa ang kanilang mga sarili.
Giit ni Danao sa sandaling lumabas ang warrant of arrest at kung manlaban ang mga ito, walang magagawa ang mga pulis kundi depensahan rin ang kanilang mga sarili.
Aniya, kung takot sumuko sa police station, maaari silang pumunta sa simbahan at sasamahan sila ng pari o magpasama sila sa kanilang mga abogado.
Sa ngayon, nasa proseso na ang PNP sa pag-review sa mga CCTV footage kung saan makikita na buhay pa ang biktimang si Christine at may mga kausap na lalaki.
Sinabi ni Danao, kanila ring iniimbestigahan ang posibilidad na may ginamit na iligal na droga si Christine o posible pinainom sa kaniya na hindi nito alam.
Hindi pa rin masabi ni Danao kung sa rape namatay ang biktima o may pinainom na iligal na droga sa kaniya.
Binigyang-diin din ni Danao may pananagutan din ang hotel sa nasabing insidente gayong nasa General Community quarantine pa rin ang Metro Manila at bawal pa rin ang mass gathering lalo na kapag ang kwarto nila ay good for four, dapat ay dalawang indibidwal lang ang nasa loob.