Nanindigan ang Philippine National Police na hindi nito kikilalanin ang hurisdiksiyon ng International Criminal Court kaugnay sa imbestigasyon sa war on drugs ng dating administrasyon.
Ito ang tugon ng pambansang pulisya kaugnay sa naging rebelasyon ni dating Senator Antonio Trillanes na kinausap umano ng mga imbestigador ang mahigit 50 dati at aktibong pulis na nagsilbi sa Duterte adminsitration na sangkot sa naturang drug war.
Ipinaliwanag ni PNP spokesperson Police Col. Jean Fajardo na mayroong gumaganang judicial system sa ating bansa at mga hukuman na maaaring duminig sa mga pang-aabuso at iregularuidad sa kapulisan.
Ito ay napatunayan na aniya dahil mayroong mga pulis na kinasuhan na, nakulong at na-convict kayat sa ilalim lamang ng hurisdiksiyon ng Pilipinas sila tutugon.
Matatandaan na una ng sinabi ng PNP na hindi nila isisilbi ang anumang arrest warrant na posibleng iisyu ng ICC kaugnay sa kaso ng dating Pangulo at iginiit ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang awtoridad ang the-Hague tribunal para imbestigahan ang dating pangulo.