Nanindigan ang Philippine National Police na sinunod nila ang legal security protocols nang isilbi ang arrest warrant laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy at 5 iba pa sa Davao city.
Sa isang statement, sinabi ng PNP na lehitimong oprasyon ang kanilang isinagawa na striktong alinsunod sa legal security protocols at may kaukulang paggalang sa lahat ng sangkot na partido.
Saad pa ng pambansang pulisya na kinikilala nito ang high-profile nature ng subject kaya’t tiniyak ng PNP ang presensiya ng sapat na bilang ng kapulisan sa kasagsagan ng operasyon para mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang hindi inaasahang mga insidente.
Nakipagugnayan din aniya sila sa mga lokal na opisyal para matiyak ang mapayapa at maayos na pagpapatupad ng kanilang operasyon.
Strikto din aniyang sumunod ang PNP sa guidelines na inilatag sa PNP Operational Procedures Manual na nagbibigay diin sa kahalagahan ng paninindigan sa karapatang pantao at pagsasagawa ng police operations ng may integridad.
Umaapela naman ang PNP kay Pastor Quiboloy na nananatiling at large na matiwasay na sumuko at harapin ang mga reklamo laban sa kaniya.
Ang pahayag na ito ng PNP ay kasunod ng mariing pagkondena ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y labis at unnecessary force ng kapuliasn sa pagsisilbi ng arrest warrant sa Pastor.