-- Advertisements --

Nasa “full alert” status na ang PNP na tatagal hanggang Lunes para pangalagaan ang kaligtasan ng publiko sa inaasahang pagdagsa ng mga babalik sa mga siyudad mula sa pagbabakasyon sa mga lalawigan.

Kumpiyansa si PNP chief Oscar Albayalde na mananatiling mapayapa at maayos ang paggunita ng All Souls Day at All Saints Day.

Ito ang inihayag ng PNP Chief matapos na inspeksyunin ang security preparations ng PNP sa Araneta bus terminal sa Cubao.

Ayon kay Albayalde, sa ngayon wala pang untoward incident na naiulat sa PNP, maliban sa insidente ng pagkakahuli ng isang pasahero sa Araneta bus terminal nitong Miyerkules umaga na may dalang 15 bala ng armalite.

Hindi naman iniugnay ni Albayalde ang insidente sa isang posibleng terrorist plot, kasabay ng pagbibigay-diin na walang na-monitor na security threat ang PNP ngayong Todos Los Santos.

Muling pinaalalahan ni PNP Chief ang mga mamamayan sa mga ipinagbabawal dalhin sa mga pampublikong sasakyan at sa mga sementeryo sa panahong ito upang makaiwas sa abala.

Partikular na pinagbabawal sa mga sementeryo ang baril, bladed weapons, alak, playing cards at malakas na pagpapatugtog.