-- Advertisements --

01

Inilagay na sa full alert status ngayon ang buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) limang araw bago ang halalan sa May 9,2022.

Ibig sabihin nakahanda na ang PNP sa pagbibigay seguridad.

Kasunod sa pagsailalim sa Comelec control ng bayan ng Pilar sa Abra at Misamis Occidental, agad ipinag-utos ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos ang pag-alis sa pwesto sa buong pwersa ng Pilar Abra Municipal Police Station.

Sinabi ni PNP chief, ang nasabing police station ay mayroong 20 hanggang 30 na police personnel, kaya madali silang mapalitan at may mga tropa na ang maaring pumalit sa kanilang pwesto.

Siniguro naman ni Carlos na ang mga pulis na ipapalit ay may alam din sa nasabing lugar.

Nagpulong naman kaninang hapon si PNP chief at si Cordillera Regional Police director B/Gen. Ronald Lee kaugnay sa pagsailalim sa Comelec control ang bayan ng Pilar.

Inihayag naman ni Carlos, na in-place na kanilang mga tao sa ground at wala ng movement na gagawin.

Muling iginiit ni Carlos na mahigpit na babantayan ng PNP ang vote buying, sa ngayon naka-alerto na ang PNP Anti-Cybercrime Group para i-monitor ang money trail.

Kapwa inihayag ng PNP at AFP na wala silang natatanggap na verified threats na natanggap ang security sector lalo na ang planong pananabotahe sa araw ng halalan.

Gayunpaman, pinalakas at pinaigting nila ang kanilang intelligence information.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Chairman Pangarungan na may contingency plan na rin sila sakaling walang mga guro ang nais na magsilbi sa araw ng halalan lalo na sa mga lugar na nasa areas of concern at under Comelec control.