Inalerto ni PNP Chief, General Guillermo Eleazar ang buong pwersa ng pulisya dahil sa posibleng paghihiganti ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) kasunod ng pagkakapaslang sa isa nilang mataas na opisyal na si George Madlos alias “Ka Oris.”
Pinapurihan ni Eleazar ang militar dahil sa matagumpay nilang operasyon na nagresulta sa pagkakapatay kay Madlos na siyang commander at tagapagsalita ng National Operations Command ng NPA sa isang engkwentro sa Impasugong, Bukidnon nitong Sabado, October 30,2021.
Batay sa report, naglunsad ng operasyon ang mga elemento ng 403rd Infantry Brigade matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa presensya ng mga rebelde sa Sitio Gabunan sa Barangay Dumalaguing.
Nabatid na mayroon umanong nakatanim na mga anti-personnel mines sa lugar na siyang nagtulak sa mga sundalo na magpasaklolo gamit ang air support habang nakikipagbakbakan sa may 30 rebelde kung saan nasawi si Madlos at isa pang rebelde.
Sinabi pa ni PNP Chief na ang pagkamatay ni Madlos ay magsilbing babala sa mga nalalabi pang miyembro ng rebeldeng komunista na hindi titigil ang Pamahalaan sa kanilang operasyon laban sa CPP/NPA/NDF.
Hinikayat din ni Eleazar ang iba pang miyembro ng CPP-NPA-NDF na sumuko na at kunin ang mga inilatag na programa sa kanila ng Pamahalaan upang makabalik na sila sa normal na pamumuhay sa piling ng isang malayang lipunan.
Si Madlos ay tubong Surigao del Norte at nahaharap sa patong patong na kaso at mayruong P7.8 million reward na nakapatong sa kaniyang ulo kapalit ng kaniyang neutralisasyon.
Malaking dagok din sa communist group sa Mindanao ang pagkakapatay kay Ka Oris.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Jose Faustino, malaking kawalan sa grupo si Ka Oris at ang kaniyang pagkamatay ay magdudulot daw ng pagkakaudlot sa rebeldeng grupo na ipursige pa ang kanilang mga masasamang plano gaya ng paghahasik ng karahasan.