-- Advertisements --

Tinatayang nasa 4,000 mga pulis ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) sa Biyernes, Setyembre 21, sa mga lugar na maaaring pagdausan ng mga kilos protesta na pangungunahan ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Benigno Durana, may 1,000 pulis pa ang magsisilbing standby force at nakahanda sakaling kakailanganin.

Nasa heightened alert status ngayon ang buong pwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa mga kilos protesta bilang paggunita sa ika-46 anibersaryo ng Martial Law declaration ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Mahigpit din ang bilin ni PNP chief Oscar Albayalde sa mga pulis na mahigpit na obserbahan ang maximum tolerance at respetuhin ang karapatang pantao.

Kinumpirma din ni Durana na wala silang natatanggap na report na may direktang banta ng terorismo bukas sa mga kilos protesta.

Direktiba ni PNP chief na palakasin ang checkpoint operation sa buong bansa para maiwasan na may mga improvised explosive device na makalusot.

Dahil sa bantang pagpapatalsik ng CPP-NPA-NDF, pinaigting ng PNP ang kanilang intelligence monitoring laban sa mga miyembro ng komunistang grupo.

Pagtiyak ni Durana, may mga nakakalat din na mga intelligence operatives na siyang tututok sa mga miyembro ng NPA na may kaso at makikilahok sa kilos protesta.