-- Advertisements --

Pinatitiyak ni House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy sa kinauukulan na tiyaking matibay ang kaso laban sa mga nasa likod ng pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) Fourth Class Cadet Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara, pinaalalahan ni Herrera-Dy ang PNP at NBI na bukod sa pagtitiyak na “airtight” ang kaso, dapat din siguraduhin aniya na nasa ligtas na pangangalaga ang mga ebidensya laban sa mga suspek.

“Kung hindi rin magiging masinop ang pagkalap ng ebidensiya maaaring maglaho, ma-contaminate, o ma-invalidate ang mga physical evidence na matitipon mula sa pagkamatay ni Cadet Dormitorio at sa iba pang kaso ng hazing sa PMA,” ani Herrera-Dy.

Ngayong nagpapatuloy pa aniya ang imbestigasyon ng PMA sa naturang insidente, hinimok ng kongresista ang Department of National Defense na atasan ang akademya na panatilihing nasa kanilang kustodiya ang mga nasa likod ng pagkamatay ni Dormitorio.

At kung maari, kapag matapos na ang lahat ng mga isinasagawang imbestigasyon, dapat ayon kay Herrera-Dy na nakakulong sa NBI sa Baguio o Manila ang mga suspek.

“Ang iniiwasan natin ay sumabit ang mga imbestigador dahil lamang sa technicality na maaaring maging dahilan para mawala sa kustodiya nila ang mga suspek,” anang mambabatas.