Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na binuwag na ang police security para sa “very important persons” o VIP sa bagong polisiya ng pambansang pulisya mula ng maupo ito bilang PNP chief.
Paliwanag ni PNP chief Police General Rommel Francisco Marbil na binago ang mga termino sa pagbibigay ng Police Security and Protection Group services dahil lumalabas na nagmo-moonlighting ang mga tauhan ng PNP.
Aniya, hindi ito trabaho ng pulis na magbigay ng VIP protection sa sinuman kundi tungkulin ng pambansang pulisya na magbigay ng seguridad sa taumbayan na may banta sa kanilang buhay gayundin sa mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Ipinunto din ng PNP chief na dapat na magbigay lamang ang Police Security and Protection Group (PSPG) ng serbisyo sa mga indibidwal na humaharap sa aktwal na mga banta at hindi ng “perceived threats”
Inihalimbawa ni Marbil na hindi maaaring magbigay ng police security sa mga mayayamang indibidwal na sa palagay nila ay malalagay sila sa panganib dahil sa kanilang financial status.