Nilinaw ng pambansang pulisya na hindi ang ISIS ang mga terorista na naghahasik ng kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, pawang mga miyembro ng Maute terror group ang tinutugis ngayon ng mga otoridad sa Marawi.
Paliwanag ni Carlos, nagdeklara ng pagsuporta sa ISIS ang Maute terror group pero sila ay kinokonsiderang sympathizers ng ISIS at hindi mga miyembro.
Pero iba naman ang bersiyon ng Pangulong Rodrigo Duterte at ilang ulit na ginamit ang salitang ISIS sa kanyang pahayag sa pagbalik sa Pilipinas at maging sa pakikipag-usap niya kay Russian President Vladimir Putin.
Kaugnay nito, nanawagan si Carlos sa publiko, partikular sa mga residente ng Marawi, na mag-ingat sa kanilang pino-post sa social media upang hindi makalikha ng dagdag na takot sa mga mamamayan.
Giit ni Carlos na maaring magamit lang na propaganda ng mga terorista ang mga posts na nagbibigay ng impresyon na malala na ang sitwasyon sa Marawi.
Itinanggi rin nito na dino-down play ng PNP at AFP ang sitwasyon sa Marawi at sinabing nagiging maingat lang sila para matiyak na validated at tamang impormasyon ang kanilang inihahayag sa publiko.
Sa kabilang dako, itinanggi ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagkaroon ng intelligence failure dahilan kaya nalusutan sila ng mga teroristang Maute na nakapaghasik ng karahasan sa Marawi.
Nanindigan si Col. Arevalo na hindi sila nalusutan bagkus may isinasagawa silang operasyon kung saan target si ASG leader Isnilon Hapilon.
Ani Arevalo na kung sila ay nalusutan ng mga teroristang grupo hindi magsasagawa ng joint operation ang AFP at PNP na target si Hapilon.