Dumistansya ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa planong pagsisiwalat ni Vice President Leni Robredo kaugnay sa war on drugs campaign ng gobyerno.
Ang rebelasyon ng pangalawang pangulo ay base sa mga nadiskubre nito noong co-chairman pa ito ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations P/Lt. Gen. Camilo Cascolan, ang nasabing usapin ay kanila nang itinuturing na “political issues.”
Ang PNP aniya ay tagapagpatupad ng batas na siya nilang tinututukan at kanilang mandato na panatilihin ang peace and order.
Sinisiguro rin aniya nila na mapigilan ang paglaganap ng krimen at iligal na droga na siya ring pangunahing kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni Cascolan na hindi sila makikisawsaw sa anumang usaping pulitikal hinggil sa war on drugs sa halip ay ipagpapatuloy lamang ng PNP ang kanilang trabaho.
Dagdag pa ni Cascolan walan naman silang dapat ikabahala sa mga isisiwalat ni Robredo.
“The PNP is for law enforcement, we are for anti-criminality. If it’s political in nature we always do away with it. What we do is we just do our job, we enforce the law, we keep peace and order and we investigate crimes and as if we said gaya ng sinabi ko sa inyo kami po ay gagawa lang po kung ano ang kautusan ng ating presidente,” pahayag ni Cascolan.