Dumistansiya ang Philippine National Police sa pagbibigay ng komento hinggil sa sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi ito dadalo sa ikatatlong SONA ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr., dahil itatalaga niya ang kaniyang sarili bilang designated survivor.
Nang tanungin kanina ang PNP kung kinakailangan ba ng security team na magkaroon ng designated survivor tuwing may SONA, ayon kay PCol. Jean Fajardo – PNP Public Information Office Chief, “Kung titingnan niyo po sa ating Konstitusyon, ay walang naman pong na-mention about designated survivor. However, very clear po sa ating Konstitusyon yung succession in terms of death, resignation, disability, and expressly provided sa ating Constitution. Pero gaya ng sinabi natin, ibibigay natin ang kapangyarihang iyan sa ating mga mambabatas,”
Ani Fajardo mas mainam na rin kung ang bise presidente mismo ang magpapaliwanag sa binitawan nitong mga salita.
Sa ngayon, samu’t saring ang reaksyon ng ilan hinggil dito sa pahayag ni Vice President Duterte, ayon sa ilang mambabatas, hindi dapat nagbibiro ang pangalawang pangulo hinggil dito.
Pero ayon naman kay Atty. Harry Roque pinupuri niya ang komento ni Duterte at ito umano ang pinakamagandang anti- SONA.
Sa U.S., kung may maganap na malagim na insidente na maaaring ikamamatay ng Presidente at lahat ng successors, awtomatikong manunumpa ang sinumang surviving Cabinet member na designated survivor bilang Presidente.
Pero, pinawi naman ni PNP ang pangamba ng publiko at binigyang diin na seryoso sila sa pagbabantay at tuloy tuloy ang kanilang mga paghahanda para masiguro ang kaligtasan ng lahat sa SONA ng pangulo. Sa kasalukuyan, wala pa umano silang namomonitor na banta isang linggo bago ang SONA.
“As I said, we don’t want to comment on the statement of our Vice President, but on the part of the PNP, lahat po ng information na na-rireceive natin in terms of security and safety para sa nalalapit na SONA, ay lahat po yan ay siniseryoso ng PNP kaya nga po lagi po tayong may close coordination sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang law inforcement agencies.” dagdag pa ni Fajardo.
Bukas, ayon sa opisyal ay magkakaroon ng interagency meeting para e presenta ng PNP, AFP, PCG ang stages ng kanilang preparasyon.