-- Advertisements --

Tanggal na sa kaniyang pwesto ang hepe ng Valenzuela Intelligence Division chief na siyang signatory sa kumakalat na memo sa social media kaugnay sa plano umanong pambobomba ng Maute terror group sa ilang lugar sa Metro Maynila.

Ayon kay Northern Police District (NPD) commander P/Supt. Roberto Fajardo, kaniya ng sinibak sa pwesto si C/Insp. Jowielouie Bilaro, ang hepe ng Valenzuela City Police Station Intelligence Branch.

Sinabi ni Fajardo na sa ngayon gumugulong na ang imbestigasyon kaugnay sa nasabing memo at kung mapatunayan na walang kasalanan si Bilaro ibabalik naman siya sa pwesto.

Umapela ang pambansang pulisya sa publiko na huwag magpaniwala sa mga nagsisilabasang memo na umano’y galing sa pambansang pulisya dahil posible itong peke.

Panawagan ng PNP sa netizens na huwag ng ikalat sa social media kapag may nakitang mga memo.

Sa kabilang dako meron na namang memo na lumabas at ito raw ay mula sa AVSEGROUP.

Nakasaad naman sa sulat ang plano na magsagawa umano ng simultaneous attack ang Maute at BIFF sa June 30.

At may isa pang memo na lumabas at nakasaad naman dito na may 20 Maute special units umano ang naka-preposition na sa kanilang mga designated targets nationwide para magsagawa ng pambobomba.

Paliwanag naman ni PNP spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos na pare-pareho ang laman ng mga nasabing memo at kanila na itong bina-validate sa ngayon kung totoong memo mula sa PNP o peke.

Sa kabilang dako may ginagawa na ring hakbang daw ang pamahalaan para  imbestigahan ang umanoy kumakalat na mga pekeng memo mula sa PNP.