Nagisa ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa muling pagbubukas ng Senate hearing kaugnay ng kontrobersyal na good conduct time allowance (GCTA) law.
Ito ay matapos maisiwalat na may kinalaman umano ang mga ito sa pagkakatakas ng isang bigtime Chinese drug lord na nahuli noong 2013.
Inamin ni dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isang Johnson Lee ang naaresto sa ilalim ng buy bust operation noon sa Pampanga.
Nakumpiskahan daw ito ng nasa 200-kilogram o higit P600-milyong halaga ng shabu pero hinayaang makatakas matapos umanong suhulan ng P50-milyon ang pulisya.
May P10-milyong cash din umano na nakumpiska mula sa naturang operasyon.
Sa kabila nito, nabatid na ibang Chinese drug suspect ang iprenisenta ng pulisya sa mga otoridad, gayundin na 30 kgs lang ng hinihinalang shabu ang idineklara ng mga pulis.
Sinampahan na rin ng kaso ang nasa 13 pulis na humawak sa naturang operasyon at ipinag-utos na masibak noon ni dating Police Regional Office-3 acting director Raul Petrasanta.
Pero hindi raw ito naimplementa at simpleng na-demote na lang ang mga pulis.
Ipinaliwanag naman ni Senate Minority Franklin Drilon na may kapangyarihan ang Blue Ribbon Committee na talakayin ang ibang kaugnay na issue kahit walang resolusyon ang komite para dinggin ito.
Kung maaalala, nag-ugat talaga ang pagdinig ng Blue Ribbon at Justice Committee sa kontrobersyal nagood conduct time allowance (GCTA) law matapos mabatid na posibleng makalaya ang convicted murderer at rapist na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.