Nagpapatuloy ang imbestigasyon ngayon ng Philippine National Police (PNP) para matukoy kung sino at saan ang posibleng target ng mag-asawang Syrian bombers na naaresto kamakailan sa Taguig City.
Kinumpirma ni PNP Spokesperson SSupt. Dionardo Carlos na ongoing ang imbestigasyon ngayon sa mag-asawang miyembro ng ISIS upang matukoy kung sino at saan ang target ng mga ito na magsagawa ng pambobomba.
Naka-alerto ngayon ang lahat ng units ng PNP sa buong bansa upang tukuyin kung sinu sino at anong grupo ang kasabwat ng mag asawang Syrian.
Ang naarestong Syrian couple ay experto sa paggawa ng mga improvised explosive device (IED) o bomba.
Inihayag ni Carlos na sa ngayon batay sa kanilang intelligence report wala silang namomonitor na iba pang personalidad na kasabwat ng mag-asawang miyembro ng ISIS.
Pinayapa naman ng PNP ang pangamban ng publiko kasunod ng pagkaka aresto sa mag-asawang Syrian na miyembro daw ng teroristang grupo.
Nilinaw naman ni Carlos na walang kinalaman ang pagkaka aresto sa mag-asawang Syrian ang pagpapakalat ng PNP ng nasa 75,000 policemen nationwide simula kahapon.
Una ng sinabi ng PNP na ang deployment ng 75,000 policemen nationwide ay para masigurado na maging ligtas ang mga pasahero at motorista na magsisi uwian sa iba’t ibang probinsiya para sa paggunita ng Holy Week.