-- Advertisements --

NAGA CITY – Nauwi sa katatawanan ang nangyaring police operations sa Zone 5 Brgy. Matacla, Goa, Camarines Sur laban sa umano’y armadong lalaki.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maj. Dominic Borigas acting chief of police ng Goa PNP, sinabi nitong nag-report ang padre de pamilya na si Ricardo Cea, 62, dahil sa pagbabanta ng anak na si Kalem Cea, 27, habang armado ng baril.

Dahil dito, agad na rumesponde ang kapulisan sa lugar.

Nang mahuli na ang suspek laking gulat aniya nila nang mapag-alaman na peke o pellet gun lamang pala ang armas ng suspek.

Kaugnay nito, nang gabi ring iyon ay nagdesisyon umanong magsampa ng kaso ang ama ng biktima na si Ricardo Cea subalit kinaumagahan ay agad din naman nitong binawi.

Nabatid na matagal ng pabalik-balik sa kulungan si Kalem na sinasabing nawawalan talaga umanong kontrol tuwing nalalasing.