DILG ABALOS

Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng reporma sa organisasyon ng Philippine National Police (PNP) ay makakatulong sa pagtugon sa mga umuusbong na hamon sa pagpapatupad ng batas sa bansa.

Aniya, ito ay magpapatibay din sa mga kakayahan ng kapulisan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayang Pilipino.

Nagsimula nang gumulong sa plenaryo ng kamara ang Senate Bill (SB) 2449, na itinataguyod ng retiradong PNP chief at ngayon ay Senador na si Sen. Ronald dela Rosa.

Ayon kay Abalos, ang panukalang ito ay hahantong sa unang komprehensibong legislative reform ng PNP mula noong 1998.

Nilalayon ng SB 2249 na amyendahan ang Republic Act (RA) 6975 o ang DILG Act of 1990 at RA 8551 o ang PNP Reorganization Act of 1998.

Ang panukalang batas ng Senado ay counterpart measure ng House Bill 8327, na ipinasa ng mababang kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Agosto.

Ang panukala ay naglalayong i-institutionalize ang mga tanggapan na nilikha ng National Police Commission na siyang PNP Directorial Staff, Area Police Command, Special Offices, at pinalakas na National Administrative and Operational Support Units ng PNP.